"Ate, san po kayo bababa?" tanong ng tinabihan kong dalaga sa mini bus pauwi sa amin.
"Sa A___." sabi ko sa kanya. Obvious ba? Papunta dun ang bus na ito sabi ko naman sa isip ko.
"Alam nyo po ba kung saan yung eskwelahan ng B___?" Tanong uli nya
"A, oo." Kako. " Mauuna yung daanan kesa sa bayan." Dagdag ko pa.
"Pakituro na lang po sa amin kung saan 'yun. Di kasi namin alam."
"Ok." Sabi ko.
----------------------
Ayaw ko sanang maupo sa tabi ng dalagang nagtanong sa akin. Bukod kasi sa may kalakihan sya e malaki din ang bag na dala nya. Dun sya nakapwesto sa kaliwang bahagi ng minibus. Dun sa tatluhan ang pwedeng maupo. Mas ayaw ko namang pumasok pa sa gawing likuran ng bus kahit dun mas marami ang bakante. Kaya't sumiksik na lang ako sa kinuupuan nya. Kasama nya ang isa pang babaeng nakabusangot sa tabi ng bintana. Kung bumusangot sya dahil sumiksik ako o dahil di nila alam ang kanilang pupuntahan... wala akong pakialam. Basta ako ay naupo na lamang.
Lumambot naman ang puso ko nang magalang syang nagtanong ng direksyon. Marahil totoo nga ang sabi sa Celestine Prophecy, "Walang coincidence sa mundo. Lahat ng pangyayari ay may dahilan." Ang dahilan ng pagtabi ko sa kanila kahit ayaw ko ay ang maging instrumento para tahakin nila ang tamang landas... CHARING!!!
----------------
Sa pagpapatuloy ng
The Mini Bus ChroniclesNaalala ko tuloy nung unang pagkakataon kong bumyahe sa lugar na hindi ko alam puntahan. Taong 1993, natanggap ako bilang community organizer sa isang NGO na nagtatrabaho kapiling ng mga mangingisda sa Balayan, Batangas. Dahil ako ay taga-Pangasinan at ang pinakamalayo ko nang narating sa Timog ng Manila ay ang Bacoor, Cavite, hindi ko talaga alam kung paano makakarating sa Batangas.
Lakasan na lang kako ng loob. Tsaka kahiyaan na ito. May taga-UP ba naman kasing naliligaw? Isa pa, baka maging bahagi ito ng pagsubok ko bilang isang CO. Baka di ako ma-permanent pag di ko narating yung area.
E di ano pa nga at mula sa Dagupan ay nagbyahe na ako hanggang Pasay. Dun sa terminal ng BLTB. Hanapin nyo man yan ngayun ay di nyo na makikita. Matagal nang nagsara ang nasabing kumpanya ng bus. Hapon na ng makarating ako ng BLTB terminal, di ko matandaan pero last trip na nga ata yun papunta ng Balayan.
BTCo ang tawag dati sa bus na ito. Kung di ako nagkakamali, ang BLTB ay Balayan, Lemery, Tayabas Bus. Ordinary lang yung bus, kulay pula. Bukod sa Balayan, meron ding byaheng Lemery at Calatagan. Meron ding papuntang Quezon at Bicol. Ang haba ng pila pero tyagaan dahil wala namang ibang masasakyan. Lingon ako ng lingon at bakasakaling may makitang kakilala. Kaya lang, paano nga ako makakakita ng kakilala e taga norte ako. Buti sana kung asa Pantranco (isa ding namayapa nang bus terminal) o kaya ay sa Dagupan Bus Terminal. Di pa sikat noon ang Victory liner at lalong wala pa ang Five Star.
Bukod sa walang aircon noon, syempre wala ring celphone. Kaya walang paraan ng komunikasyon. Basta ang sabi lang sa akin ay sumakay ng byaheng Balayan at bumaba sa tapat ng simbahan sa bayan. Tapos dahil malapit lang daw ay pwede nang lakarin ang staff house, isang lakad na diretso,. isang likong pakanan, isang likong pakanan uli. Dahil Disyembre noon, pag nakakita raw ako ng mga Christmas light na korteng isda, yun na yun. Ibig sabihin ay narating ko na ang aking destinasyon. Pag di ko pa rin nakita, e magtanong na lang ako. Mababait naman daw ang mga Batagueno.
Simple lang ang direksyon pero mas simple ang ginawa ko. Pag baba ko ng bus, pumara na ako ng tricycle. Sabi ko, "Mama, ihatid nyo nga ako sa Palikpikan Extension, sa number ganyan-ganyan." Ilang sandali lang ay nanduon na nga ako sa tapat ng bahay na may Christmas lights na korteng isda.
----------------
"O ayan, malapit na kayong bumaba." Sabi ko sa mga katabi ko.
"Ay opo, naaalala ko na nga ito." Sagot nung isa.
"Kanto ng B___; Dito na ba kayo?" Tanong ng konduktor.
"Pwede dun pa sa banda r'on. Pagkalampas ng bahay." Sagot uli nung dalaga.
Pag tapat sa lugar na bababaan nila, nilingon nya muli ako at nagpasalamat.
"Thank you po." Sabi nya.
"Ok." Sabi ko uli.