Lampas alas-dyes na ng gabi nang makarating kami sa tapat ng aming bahay. Galing kaming mag-anak sa isang bertdeyan, debut ng isa sa aking mga pamangkin. Malapit lang ang pinagganapan ng party sa amin. Mga ilang metro lang pero minabuti na naming dalhin si Popoy, ang walang kakupas-kupas na family volkswagen naming kulay orange. Wise decision, dahil di pa man kami nakakalabas ng bakuran ng aking pinsan, ay nakatulog na ang dalawa naming anak na babae, si Trinity, limang taon at si Raia, tatlong taon.
Ihininto ng asawa ko ang sasakyan sa harap ng aming bahay. Binuksan ko ang pinto at bumaba, karga-karga si Raia. 21 kilos sya. Pagbaba ko ay itiniklop ko naman ang sandalan ng upuan para palabasin si Trinity. Mas madali kasing bumaba sa harap ng bahay kesa bumaba pag pasok ng volks sa loob ng garahe lalo na't tulog at karga ko si Raia.
"Anak, gising ka na." Sabi ko kay Trinity. Pupungas-pungas sya at kitang-kitang ayaw nyang idilat ang kanyang mga mata. Sino ba naman ang magnanais gumising kapag katutulog pa lamang.
"Trinity, tumayo ka na dyan. Sige na." Sabi naman ng Tati (sosyal na tawag sa tatay, baby talk ng salitang daddy) nya habang iniaangat ang kanyang likod. Di lang pala nakatulog ang pobreng bata, nakahiga pa talaga sa upuan sa likuran. Umingit si Trinity, nagpoprotesta pa rin sa panggigising sa kanya. Pero, wala syang magawa kaya napilitan na rin syang bumaba.
Pagbaba nya ng sasakyan, tumayo sya ng walang kakilos-kilos sa tabi ko. Mula sa gild ng volks ay tumitig sya ng matagal sa harap aming bahay at biglang ibinulalas ang " Ang pangit-pangit naman kasi ng bahay natin."
Nagulat ako! Tiningnan ko sya. Nananaginip ba? Nakadilat naman ang mata nya. Oh well, gising na tulog siguro. Hindi ko na lang pinansin at inakay ko sya patawid ng kalsada patungo sa gate. Pagsulyap ko uli, napansin kong pinupunasan nya ng kanyang mga palad ang kanyang mga mata. "Umiiyak ka ba?" Tanong ko. At umiyak na nga po ng tuluyan. "Waaaahhhh!! Mameeee!!!" palahaw nya habang isinusubsob ang kanyang mukha sa tagliran ko.
"O bakit ka umiiyak?", sabi ko habang papasok kami ng gate. Inayos ko ang pagkakakilik ko kay Raia. Inilayo ko ng konti ang mukha ni Trinity sa akin.
"Eh ampangit-pangit naman kasi ng bahay natin." Sagot nya sabay singhot. Lungkot na lungkot ang boses.
Ay naku! Serysoso pala. Natawa ako sa aking sarili. Buti na lang at hindi ko nailakas. Naawa din ako, napagod siguro sya sa katatakbo sa party kaya nagluluko. Bumilis ang takbo ng isip ko. Maraming paliwanag ang nag-unahan sa aking isip tungkol sa inasal ng panganay ko.
Naisip ko bigla na baka naman paraan nya yun ng pagbawi sa akin dahil pinilit ko silang umuwi kahit di pa tapos ang kasiyahan. Ang pa-guilty-hin kami dahil ito lang ang naibigay namin sa kanila bilang magulang. Reverse horizontal violence ba ito? Pwede ring paraan lang ng pagpapaliwanag nya kung bakit ayaw nyang umuwi. Mas maganda naman kasing talaga ang bahay ng pinsan ko kesa sa bahay namin. Pinagmasdan ko tuloy yung bahay. Di naman pangit, a. Pero para wala nang away, at bilang pag-unawa ko sa emotional loss nya, pumayag na rin ako.
" O sige, pangit na. Pero pumasok na tayo at mabigat si Raia."
Binagtas na namin ang garahe, humakbang ng isang baytang pababa papunta sa pinto. Binuksan ko ang screen at ihinarang ko ang aking sarili upang di ito sumara nang kusa. Kumatok ako sa pinto. Binuksan ito ng tyahin ng asawa ko na sya ring kasa-kasama namin sa bahay bilang yaya ng mga bata. Tulog na raw ang apat na buwang bunso ng pamilya. Pumasok na kami sa loob. Karga ko pa rin si Raia. Samantala, naipasok na ng asawa ko ang volks sa garahe.
"Vrrrmmmm!!" At dahan-dahang namatay ang headlights at tail lights nito.
------------------------------------------
Nakapagbihs na kaming lahat at nakahiga na kami. Sa pull-out nakahiga si Trinity at mismong kama naman si Raia. Humiga din ako sa pull-out at iniunan ang batok ni Trinity sa aking braso. Pag pasok ni Zos, ang asawa ko at Tati nila, itsinismis ko ang sinabi ng panganay namin kanina.
"Ayan Tati. Ipaliwanag mo, bakit daw ba kasi pangit ang bahay natin?" Nakangisi pa rin ako pero di ko ipinapakita sa bata. Nauunawaan ko kasing bigla na para sa kanya ay malaking isyu nga ang magkaroon ng pangit na bahay.
Natawa din si Zos. At tinabihan ang anak. "Bakit mo naman nasabing pangit?" Tanong nya.
"Oo nga, bakit mo ba nasabing pangit. Hindi naman a. Mas pangit pa yung bahay ng iba kasi butas-butas." Sabad ko.
"E pangit naman talaga. Tingnan nyo nga o, bitak-bitak yung mga dingding!" Buong-puso nyang sagot.
Humagalpak na ako ng tuluyan sabay yakap at halik sa kanya. Tawa talaga ako ng tawa. Such honesty! Kids do say the darnest things. Biruin mo, pati yung mga bitak, nakita nya. Pero ganyan talaga si Trinity, kung umiyak man sya nung una, sa kadulu-duluhan ay pinaninindigan pa rin nya ang mga pananaw nya.
"O sige na," kako, "tulog ka na at may pasok pa bukas. Hayaan mo, promise pag nagkapera kami, ipapatanggal namin yang mga bitak na yan. Pagagandahin natin itong bahay natin.", sabi ko sa kanya.
Nakatulog naman sya agad maging ang Tati nya. Hinagod ko ng tingin ang dingding, mga cabinet ng damit at kisame. Papinturahan na kasi... ito ang huling nasa isip ko bago tuluyang bumigay sa masarap na pagtulog.
--------------------------------------------------------------------------------
Nang ikwento ko ito sa aking mga kapatid ay nagtawanan din kami. Lalo na nang sabihin kong, gusto kong sabihin sa bata na buti pa nga sila, sarili at mabango-bango na ang tinitirahan. Samantalang yung unang tinirhan namin sa Dagupan noong mga bata pa kami ay amoy kanal at madalas walang tubig. Walang flush ang toilet at hindi tiled and banyo. Apartment lang yun doon sa PNR site. Matagal na itong giniba. Wala nang bakas sa dating kinatatayuan. Pero ito'y nasa alaala pa naming lahat. Pare-pareho pa nga naming napapanaginipan hanggang ngayon.
Pero sabi nga, your children are the improvement of your race. Kaya siguro kung noon ay house ownership ang isyu namin bilang mga anak, ngayon naman ay house aesthetics ang isyu ng aking mga anak.
--------------------------------------------------------------------------------
Pinag-iisipan namin ngayon kung paano tatanggalin ang mga bitak sa bahay namin. Paano ito pagagandahin. Kailangan nang papinturahan. Patahian ng mga kurtina. Maglagay ng mga ilaw na magaganda. Ipa-tiles ang sahig ng garahe. Ipabago ang bubong. Mangutang sa paluwagan sa opisina. Manghiram ng pera kay papa at mama. Mag-caregiver sa abroad... naah, OA naman na yun. No offense meant sa mga caregivers. Tingin ko lang na hindi yun kaya ng powers ko.
Pero pasasaan ba at gaganda rin yan. Nag-promise naman ako na gaganda ito at alam kong matutupad yun. Di nga lang muna ngayon.
---------------------------------------------------------------------------------
Bahay namin maliit lamang
Pero pero pero malinis 'to pati sa kusina
Kumain man kami laging sama-sama
Pen-pen-pen de sarapen
De kutsilyo de almasen
Haw-haw-haw de karabaw
De karabaw de batuten
toyang, eraserheads




1 comments:
Humagalpak naman ako dito sa katatawa.
Pag ako si Tati, sasabihan ko ng pasigaw ang anak mo, "Tumakbo ka sa simbahan ngayon din at humingi ka ng tawad sa Obispo! Tanging obispo lamang ang makakapagpatawad sa kasalanan mong yan!"
Parang natempt tuloy akong gumawa rin ng entry sa baya. Teka, ma-mental note nga yan.
Ang ganda ng narrative ha. Very creative nonfic, with matching words of wisdoms on the side (your children are the improvement of your race, semiotics of Tati -- parang phallic) and all.
Post a Comment